Kung Nakakapagsalita lang Siya...
- Jr Mad
- Feb 9, 2017
- 3 min read

Kung Nakakapagsalita lang siya...
Marami tayong mga hugot Na napupulot Dahil sa mga salot Na palaging sugat sa puso ang dulot.
Narinig niyo na ba na ang simbahan ay humugot? Hayaan niyo siyang humugot sa pamamagitan ng mga salita ko.
Naniniwala ako na nahahati sa tatlong bahagi ang buhay ko, buhay natin sa simbahan.
Kaya nga kung nakakapagsalita lang siya katulad ko, siguro ganito ang sasabihin niya, hindi ko sinasabi na ito’y totoo, Pero “siguro”, ito nga, magsisimula na ko:
Ang “una”, ang panahon kung kailan ika’y maliit pa, hindi makalakad ng maayos, hindi makalakad ng mag-isa. Kailangan palaging may kasama, palaging may umaalalay kasi hindi mo pa kaya…
At alam ko naman na hindi mo talaga ako pinili sa umpisa. Hindi ang mga paa mo ang may dahilan kung bakit tayo nagkatagpo. Hindi ang mga pagyapak mo ang may dahilan kung bakit ka lumalapit at pumapasok sa akin. Hindi ang pagkukusa mo ang nagdadala sa’yo sa akin upang makilala mo pa ako.
Pero iintindihin kita, mamahalin, at kakalingain. Alam ko kasi na hindi mo pa ko naiintindihan. Hindi pa kasi ikaw ang may hawak ng buhay mo. Hindi pa ikaw ang may gusto na maging parti ako, na maging parti kita.
Pero gayunpaman, tatanggapin at mamahalin pa din kita, dahil alam kong ayun pa lang din naman ang kaya mong gawin, tanggapin at mahalin ako.
Madali sa una kasi alam ko na walang hirap na ikaw ay sa akin at ako ay sayo, pero may sakit na nagbabadya kasi may posibilidad na kapag tumagal ay maari kang magsawa, masakal, maguluhan, lumisan at humanap ng iba.
At sunod nga, ang “ikalawa”, na pinakamatagal, panahon ng saya, gulo, lito panahon kung kailan ika’y malaki na, na kaya mo nang magklakad magisa, kaya mo nang mag isa.
At sa ikalawa, ang mga posibilidad na dati lang nasa isip ko ay nasa harap ko na.
Ang sakit kasi naging masaya naman tayo noong una.
Binibigay ko naman kung anu ang mga kailangan mo, pinapatawad kita sa mga kasalanan mo, hinahayaan kitang sumama sa mga kaibigan mo, sinasabi ko ang mga bagay na dapat alam mo, kasi ayaw kong masayang ang buhay mo…
Pero isang araw bigla mo na lang tinanggihan ang mga binibigay ko, hindi kana lumalapit, hindi kana sumasama? Bakit ayaw mo ng makinig sa aking mga salita?
Ang akala kong madali, ngayo’y nag iiwan ng sakit, ng sugat dahil ayaw mo na.
Ayaw mo na dahil nasasakal kana, nanghihina kana, dahil akala mo hinuhusgahan kita, akala mo ayaw kong ibigay ang mga gusto mo, na ayaw kong hayaan kang maging malaya.
Pasensya, patawad, ang nais ko lang ay mahalin ka.
Ayan na, nagpapaalam ka, tumalikod, lumisan at naghanap ng iba.
Ang tanging naiwan ay sakit.
Gusto kong magalit sa “pag-ibig”? Gusto ko siyang sisihin, dahil siya ang dahilan ng sakit. Pero, mali. Hindi pag-ibig ang sanhi ng sakit kundi ang pag-iwan, paghanap ng kapalit, pangungulila at hindi pagtanggap na ang tanging makakapagpahilom ng mga sugat na naiwan sa puso ay “pag-ibig.”
Pag-ibig ang gamot, pag-ibig ang sagot.
Kaya ngayon, sasabihin ko sa’yo araw araw ay magmamahal ako, mamahalin pa rin kita dito sa tabi, dito sa malayo, hindi kita pababayaan, maghihintay lang ako, dahil mahal, mahal kita.
At kapag sinabi kong mahal kita, ang ibig kong sabihin mayroon kang lugar palagi dito sa aking puso, lugar na ngayo’y walang laman, dahil ikaw ay wala, puwang na puno ng sakit, dahil gusto kita dito, kailangan kita dito at dahil hanggang ngayon ikaw ay tinitibok nitong puso.
At pinipili ko na walang laman ang puwang sa aking puso, hindi dahil naghihintay ako sa iyong pagbabalik pero ito ay alaala, paalala ng aking pag-ibig at pagpapatawad.
At darating ang ikatlo, na maghuhudyat ng pagtatapos Ang “ikatlo” ay ang huli, lumapit ka at sabi mo, natatakot ako, nahihiya ako, huli na, sinayang ko ang mga araw ko na sana sa’yo dapat ako. Nanghihina na ako, wala nang saysay ang buhay ko.
Kasi nga naman, bakit ngayon lang? bakit ngayon pa kung kailan kakaunti na lang ang oras, ang lakas, at kung kailan malapit na ang wakas?
At sa wakas, sasabihin ko sa’yo na tatanggapin pa rin kita, na hayaan mong hawakan kita hanggang sa dulo, na hayaan mong mahalin kita ng buong buo hanggang sa huling hininga mo.
At sa wakas, huwag kang matakot, nandito ako sasama sa’yo.
Mahal, Salamat at bumalik ka.
Comments