Tularan si Jesus
- Jr Mad
- Feb 9, 2017
- 2 min read

Para sa mga taong ang tanging gusto lang ay magmahal ngunit sinaktan, iniwan at unti-unting namamatay dahil sa hirap na pinagdadaanan.
Para sa mga taong pilit na ginagawa at lumalaban para sa katotohanan pero hindi pinapaniwalaan, sinisiraan pa at pilit na ibinababa.
Para sa inyo ito…
Huwag kayong sumuko. Huwag kayong mawalan ng pag-asa.
Huwag sumuko, dahil ang buhay ay puno talaga ng pagsubok. Pagsubok na susubok sa ating puso, “talaga bang gusto mong magmahal?” at susugatan ang puso, “Kaya mo pa bang magmahal?”
Huwag mawalan ng pag-asa, dahil ang buhay ay puno talaga ng pangamba. Ang mga pangamba ay dadating at magbibigay ng pagdududa, “Tama pa ba itong pinaglalaban ko?”
Huwag mong sukuan ang buhay. Huwag kang mawalan ng pag-asa sa buhay. Kumapit ka sa kanya na nagbibigay buhay, tignan natin siya, tularan natin siya.
Siya, na ang tanging gusto lamang ay magmahal at iligtas tayo mula sa ating mga kasalanan, kasalanan na tunay na umaalipin sa ating buhay.
Siya, na ang tanging gustong ibigay ay pag-asa, pag-ibig at pagpapatawad upang tayo mismo ay hindi mawalan ng pag-asa,
upang tayo mismo ay magkaroon ng kalaaman kung ano ba ang dapat gawin para maipakita ang pag-ibig sa kapwa,
upang tayo mismo ay matutong magpatawad kahit na sa mga taong tila hindi karapat-dapat,
Siya ay nagpapatawad dahil siya ay naniniwala na may pag-asa pa.
Siya ay sinaktan, siniraan, pinatay, iniwan sa kabila ng lahat nang kabutihang kanyang ginawa...
Siya ay hindi nagtanim ng galit, hindi gumanti, hindi tayo sinukuan, hindi tayo pinabayaan.
Bakit?
Dahil "Siya" ay pag-ibig. Si Jesus ay pag-ibig.
Si Jesus ay pag-ibig na umuunawa, nagpapatawad patuloy na lumalaban at naniniwala na may pag-asa pa...
Siya ay palaging pinipiling magmahal.
Tayo ay Magmahal katulad ni Jesus.
Pagmamahal na hindi humihingi ng kapalit.
Pagmamahal na ang tanging hinahangad ay magbigay, magbigay at magbigay…
Comments